dzme1530.ph

PBBM, hinikayat ang media na tulungan ang mga Pinoy sa pagtukoy ng fake news

Hinikayat ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang sektor ng media na tulungan ang mga Pilipino sa pagtukoy sa mga totoong balita at sa fake news.

Sa ika-50 anibersaryo ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), inihayag ng Pangulo na ang disinformation, misinformation, at fake news ay maituturing na negatibong epekto ng advancement sa teknolohiya at pamamayagpag ng social media.

Inamin ni Marcos na naging isang pagsubok na ang pagkilatis sa integridad at kredibilidad ng impormasyon.

Sinabi pa nito na sa nagdaang limang dekada ay nasaksihan ang pag-usbong at pangingibabaw ng internet, computer, at smartphones, na ngayon ay napakahalaga na sa buhay ng tao.

Kaugnay dito, hinimok ng pangulo ang KBP at mga mamamahayag na tulungan ang publiko sa pagtukoy sa kung ano ang totoong impormasyon, at kung ano ang ginawa lamang para sa propaganda.

Kasabay nito’y kinilala ng Chief Executive ang tinaguriang “Fourth Estate” bilang katuwang ng gobyerno at mamamayan tungo sa pagbabago. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author