Ipinasasama ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa mga hakbangin ng gobyerno kontra El Niño ang pagresolba sa mga problema sa Agricultural Insurance.
Sa kanyang Senate Resolution 549, iginiit ni Villanueva ang pagsilip sa estado ng Agricultural Insurance Program sa gitna ng epekto ng iba’t ibang kalamidad.
Layon nito na makabuo ng mga hakbangin upang protektahan ang mga magsasaka at mangingisda na bumubuo sa 22.2% ng labor force ng bansa o katumbas ng 10.5 milyon.
Nababahala ang senador sa mababang porsyento ng mga magsasaka at mangingisda na kumukuha ng Agricultural Insurance gayung kailangang paghandaan ang epekto ng mga kalamidad kasama na ang climate change.
Sa programa ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), maaaring ipasaklaw sa insurance ang palay, mais, high-value crops, livestock, fisheries & aquaculture at non-crop agricultural assets.
Sinabi ng Senador na dapat tugunan ng PCIC ang mga isyu ng mga magsasaka sa paghahain ng indemnity claims tulad ng kawalan ng sapat na kaalaman at mahabang proseso ng claims payments, documentary requirements, at dagdag na bayarin. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News