dzme1530.ph

Mandatoryong pagsusuot ng face mask sa Metro Manila, hindi ibinalik! —DOH

Itinanggi ng Department of Health (DOH) ang kumakalat na ulat sa social media na muli nitong ipatutupad ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa Metro Manila.

Sa isang advisory, sinabi ng DOH na “false” o walang katotohanan ang kumakalat na post na nagsasabing “dapat magsuot ng face mask sa lahat ng oras” sa loob ng rehiyon.

Nasa Alert level 1 anila ang Metro Manila hanggang sa katapusan ng Abril, na nangangahulugang pinaka-relax at ang mga paghihigpit ay nananatiling nasa “status quo”.

Sa kabila nito, sinabi ng DOH na may hurisdikyon ang local government units (LGUs) na magpatupad ng health protocols sa kanilang komunidad.

Ito’y matapos ipag-utos ng ilang lokal na pamahalaan, partikular ang Iloilo City Hall at Manila Barangay Bureau ang muling pagbabalik ng mandatoryong pagsusuot ng face mask makaraang tumaas muli ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.

About The Author