Nasa 10 marine reservist mula sa 12th Marine Battalion Reserve, Marine Brigade Reserve – Northern Luzon ang lumahok sa nagpapatuloy na Balikatan Exercises 2023, kahapon.
Ipinamalas ng naturang mga reservist ang kanilang kakayahan pagdating sa Combined Armed Live Fire Exercises sa Ravina Airbase, sa Capaz, Tarlac, at ground base air defense sa San Antonio, Zambales.
Layunin ng naturang pagsasanay ang pagpapalawak sa kamalayan pagdating sa mga estratehiya na mahalaga sa ekonomiya at territorial security ng bansa.
Minarkahan din nito ang paggunita sa ika-6 na taong Anibersaryo ng pagpapalit ng pangalan ng Philippine Rise mula sa dating pangalan nito na Benham Rise sa bisa ng Executive Order no. 25 na nilagdaan naman ni dating Pang. Rodrigo Duterte noong May 16, 2017 na itinalaga naman bilang protected food supply exclusive zone na nagpapatupad ng pagbabawal sa pagmimina at oil exploration sa lugar. —ulat mula kay Jay de Castro, DZME News