Upang matiyak na maibibigay sa mga Senior High School students ang ‘Soft skills’ bukod sa sapat na kakayahan para sa paghahanda sa employment o sa kolehiyo, inirekomenda ni Sen. Sherwin Gatchalian na pahabain ang oras ng kanilang work immersion.
Sa ngayon anya ay 80 oras lamang ang inilalaan ng mga estudyante para sa kanilang work immersion na sadyang kapos upang makuha ng mga ito ang sapat na kakayahan at kapabilidad.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang mga tinatawag na soft skills tulad ng team work at collaboration ay hindi naman nakukuha lang sa loob ng paaralan kundi mismong sa ibang komunidad na papasukin ng estudyante.
Target ng senador na mula sa 80 oras ay iakyat ang work immersion hours ng mga estudyante ng 200 o 300 oras.
Samantala, hinimok din ng senador ang Department of Education na magsagawa ng aktwal na College Readiness Test sa mga Senior High School students at hindi lamang dapat ibatay ang konklusyon sa mga pahayag ng opisyal ng ilang paaralan at Unibersidad.
Ito ay dahil lumabas sa ilang survey na ilang mga estudyante sa kolehiyo ang kinakailangan pang sumalang sa Bridging Program dahil nahihirapan silang mag-adapt sa mga aralin sa tertiary education. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News