Gagamitin ng gobyerno ng Pilipinas ang 72-hour ceasefire sa Sudan upang mailikas ang mga Pilipinong naipit sa bakbakan sa nasabing bansa.
Ito ang inihayag ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasunod ng pakikipagpupulong sa Dep’t of National Defense at Armed Forces of the Philippines.
Ayon sa Pangulo, patungo na sa lugar si Dep’t of Migrant Workers sec. Susan “Toots” Ople para sikaping mailikas ang mga Pinoy.
Gayunman, sinabi ni Marcos na naghahanap pa sila ng mga alternatibong ruta dahil sa ngayon ay hindi pa ligtas daanan maging ang land routes, at hindi pa rin magamit ang mga binombang paliparan.
Ibinahagi ng Chief Executive na ang orihinal na plano ay ilikas ang mga Pinoy patungong Cairo, Egypt, ngunit dahil malayo ito ay baka dalhin na lamang sila sa Saudi Arabia o sa Djibouti.
Umaasa ang Pangulo na tutuparin ng mga magkakalabang paksyon sa sudan ang napagkasunduang 72-hour ceasefire. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News