dzme1530.ph

Pagpapalawig ng amnestiya sa estate tax, suportado ng dalawang senador

Umani ng suporta mula kina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senador Chiz Escudero ang panukalang muling palawigin ang batas na nagbibigay ng amnestiya sa pagbabayad ng estate tax.

Sinabi ni Pimentel na sa sandaling maaprubahan ang panukalang extension ay dapat maging malawak ang pag-aanunsyo nito upang samantalahin na ng ating mga kababayan na intresadong i-avail ang amnestiya.

Sa panig naman ni Escudero, binigyang-diin na dapat palawigin ang amnesty upang mas marami pa ang mahikayat na isailalim sa estate proceedings ang kanilang real estate properties na sa loob ng mahabang panahon ay hindi pa naililipat ang titulo sa pangalan ng mga pinamanahan.

Isa pang layunin nito ay makapagbayad na ng kaukulang estate tax ang mamamayan sa mababang halaga.

Matatandaang noong June 2021 dapat ay nag expire na ang batas ukol sa  estate tax amnesty subalit nagpasya ang kongreso na palawigin ito ng dalawang taon dahil marami sa ating mga kababayan ang hindi nakapag-asikaso dahil sa kasagsagan ng pandemya

Mag-eexpire na sa Hunyo ang estate tax amnesty pero isinusulong sa kongreso na muli itong palawigin ng dalawang taon

Sa Kamara naman, mismong si House Speaker Martin Romualdez ang nagsusulong panukalang extension habang nanawagan naman si Deputy Speaker Ralph Recto kay Pangulong Bongbong Marcos na sertipikahan itong urgent. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author