Tinukoy ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang suplay ng tubig at isyu sa kalusugan bilang mga pangunahing dapat tutukan sa harap ng nagbabadyang El Niño o matinding tagtuyot sa bansa.
Ayon sa Pangulo, ang tubig ang magiging “puno’t dulo” ng El Niño dahil makaka-apekto ito sa agrikultura, irigasyon, at maging sa enerhiya.
Bukod dito, magdudulot din ito ng health issues kabilang ang mga mabi-biktima ng heat stroke at iba pang sakit bunga ng pabago-bagong panahon.
Kaugnay dito, tiniyak ng Pangulo na kumikilos na ang pamahalaan para ibsan ang epekto ng matinding tagtuyot, kabilang ang unti-unting pag-alpas sa pagiging dependent sa underground water, tungo sa surface water.
Sinabi rin ni Marcos na mayroon na silang plano sa bawat probinsya, at pag-aaralan kung ano ang mga lungsod at munisipalidad na dapat unahin.
Muli ring ipinagmalaki ng Pangulo ang itinatag na Water Resource Management Office na magtitiyak sa sapat na suplay ng tubig. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News