Isang trainer aircraft ng Philippine Air Force ang nag-emergency landing makaraang magka-problema sa training flight sa runway 21 ng Fernando Air Base sa Lipa City sa Batangas.
Ayon kay PAF spokesperson Colonel Maria Consuelo Castillo, sa kabila nang mababang lipad ng eroplano, ay nagawa ng mga piloto na i-maniobra ito at dalhin sa isang open area na nasa perimeter ng Air Base upang hindi magdulot ng kapahamakan o pinsala sa mga kalapit na komunidad.
Sinabi ni Castillo na sakay ng nag-crash na aircraft ang isang instructor at isang student pilot na kapwa nasa maayos na kalagayan.
Idinagdag ng opisyal na isinasailalim na sa assessment ang eroplano habang gumugulong na rin ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente.