Pinag-aaralang mabuti ng Administrasyong Marcos ang panawagang ibalik ang summer vacation o bakasyon sa mga buwan ng Abril at Mayo ng mga mag-aaral sa bawat school year.
Sa panayam sa isang state-run radio program, inihayag ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ito ay dahil tapos na ang mga ipinatupad na lockdown at halos lahat ng paaralan ay bumalik na sa face-to-face classes.
Sinabi pa ni Marcos na dapat ay ini- aayon ang school year depende sa season o panahon.
Gayunman, iginiit ng Chief Executive na sa ngayon ay hindi pa mapagpasiyahan kung ibabalik ang summer vacation dahil umaakyat na naman ang mga kaso ng COVID-19, at epektibo pa rin ang public health emergency status ng World Health Organization (WHO).
Pinangangambahan din ni Marcos ang unpredictable o pabago-bagong panahon.
Matatandaang inilipat sa Agosto ang pagbubukas ng klase sa school calendar ng bansa matapos na suspendihin sa mahabang panahon ang face-to-face classes noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News