Nananawagan na ng tulong sa pamahalaan ang mga Pilipino sa Sudan sa pangambang maubos ang suplay ng pagkain dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa pagitan ng sudanese military at paramilitaries.
Ayon sa isang Overseas Filipino Worker sa Sudan, bukod sa takot na madamay, naubos na rin anila ang kanilang suplay ng pagkain nitong Ramadan, kung kaya’t palaisipan sa kanila kung saan makakukuha ng pandagdag pagkain gayung wala nang nagbubukas na tindahan sa kanilang lugar.
Ayon kay DFA undersecretary Eduardo de Vega, hindi naman aniya apektado ng kakapusan ng suplay ng pagkain ang lahat ng Pilipino sa Sudan dahil may mga malalaking kompaniya na patuloy na namamahagi ng makakain doon.
Mayroon din aniyang honorary consul na representative ang Pilipinas sa bansa, na binibigyang prayoridad na mapadalhan ng food supplies ang mga apektadong Pinoy.
Pinaplano na rin anila ng ahensiya na simulan ang overland repatriations sa mga susunod na araw.
Noong Sabado nang sumiklab ang karahasan sa Sudan na kumitil sa mahigit 400 indibidwal.