Tatlong indibidwal ang kumpirmadong sugatan matapos sumabog ang bombang aksidente umanong naibagsak ng Russian sukhoi-34 supersonic warplane sa Belgorod, na matatagpuan 40 kilometro silangan ng border ng Russia at Ukraine.
Sa video footage mula sa lugar, nakitang bumagsak at sumabog sa kalye ang bomba, dahilan upang masira ang mga sasakyan at gusali malapit dito.
Ayon sa Tass, Russian news agency, aksidente lamang na-discharge ng bomber jet ang bomba sa sarili nitong bansa.
Agad namang nagdeklara si Belgorod region Gov. Vyacheslav Gladkov ng state of emergency sa lugar.
Matatandaang mahigit isang taon na ang sagupaan sa pagitan ng Russia at Ukraine kung saan, libo-libong indibidwal na ang nasawi at nasugatan kabilang ang mga sanggol, buntis, mga menor de edad at matatanda.