Iniimbestigahan na ng Department of Information and Communications Technology ang umano’y data breach na kinasasangkutan ng database ng law enforcement agencies.
Inihayag ng DICT na sa pamamagitan ng Philippine National Computer Emergency Response Team (NCERT) ng kanilang security bureau, ay pinaigting nila ang imbestigasyon tungkol sa isyu.
Ayon sa ahensya, sinimulan ng NCERT ang kanilang imbestigasyon sa umano’y breach makaraang makatanggap ng links sa isang Azure Blob Storage na naglalaman ng sample photos ng IDs, kabilang ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation clearances, mula sa isang security researcher noong Feb. 22, 2023.
Kabilang sa leaked data ang mga dokumento ng academic at personal history, gaya ng birth certificates, educational record transcripts, diploma, tax filing records, passports, at police IDs.
Nag-leak din umano pati ang kopya ng fingerprint scans, signatures, at required documents.