Nais ni Senador Risa Hontiveros na imbestigahan ng Senado ang panukalang pagsamahin ang Development Bank of the Philippines at Land Bank of the Philippines.
Sa kanyang Senate Resolution 570, sinabi ni Hontiveros na ang planong merger ay nagdudulot ng pangamba dahil sa mga potensyal na panganib at benepisyo sa ekonomiya gayundin sa katatagan ng sistema ng pananalapi.
Matatandaang kinumpirma ni Finance Sec. Benjamin Diokno na pinag-iiispan nilang pagsamahin ang dalawang bangko na magreresulta sa P4.179-T asset.
Sinabi ni Hontiveros na kung magpapatuloy ang merger, posibleng malagay sa panganib ang kapakanan at kabuhayan ng libu-libong empleyado ng dalawang bangko.
Nakasaad sa resolusyon ang pag-alma ng mga employees’ union ng dalawang bangko dahil hindi man lamang sila nakonsulta sa merger.
Posible rin anyang manganib ang mga mag-ni-niyog dahil lalo itong magpapalabnaw sa mandato ng LandBank na tulungan ang mga benepisyaryo ng Coco Levy.
Hinimok din ni Hontiveros ang Malacañang na huwag madaliin ang merger at dapat paglaanan ng panahon upang pag-aralan nang husto. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News