Tinalakay nina Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Czech Republic Prime Minister Petr Fiala ang isyu sa West Philippine Sea at digmaan sa Ukraine, sa bilateral meeting sa Malacañang.
Sa joint press briefing sa Palasyo, inihayag ni Pang. Marcos na naging maganda ang palitan nila ng pananaw ni Fiala hinggil sa regional at international issues.
Kaugnay dito, kapwa binigyang-diin ng dalawang bansa ang commitment sa demokrasya, Human Rights, at Rule of Law.
Mababatid na ang Pilipinas ay nahaharap sa West Philippine dispute laban sa China, habang ang Czech Republic ay kabilang sa mga bansang nagbigay ng military aid sa Ukraine sa harap ng pananakop ng Russia.
Samantala, naging paksa rin ng pagpupulong ang defense cooperation, trade and investment, university-to-university linkages, at labor cooperation.
Umaasa si Marcos na patuloy pang lalakas ang bilateral relationship ng Pilipinas at Czech Republic sa mga susunod na taon. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News