dzme1530.ph

Repatriation sa mga OFW sa Taiwan, may sapat na pondo

Tiniyak ni Senador Jinggoy Estrada na may sapat na pondong magugugol ang gobyerno kung kakailanganin nang irepatriate ang mga OFW sa Taiwan.

Ani Estrada na two-thirds ng 2023 budget ng bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW) o P10.6-B ang nakalaan para sa Emergency Repatriation Program ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sapat na aniya ang pondo para sa repatriation ng may 200,000 OFWs sa Taiwan sa sandaling magdesisyon ang gobyerno na ilikas na sila.

Nararapat lamang anya na palagiang may nakahandang contingency plans ang gobyerno para sa mga Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa ibayong dagat.

Kaya naman inaasahan ng senador na may nakalatag nang strategic plans ang mga ahensya ng gobyerno dahil ang kaligtasan ng mamamayan ang dapat na prayoridad ng lahat

Sinabi ni Estrada na wala siyang nakikitang masama kung mapaghandaan na ang mga hindi kanais-nais na pangyayari habang patuloy na umaasa na mananaig ang diplomasya at dayalogo sa pagitan ng Taiwan at China. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author