dzme1530.ph

SUSPENSYON O PAGTAPYAS SA FUEL EXCISE TAX, TATALAKAYIN NGAYONG SEMANA SANTA, AYON KAY PBBM

Loading

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpupulong ngayong linggo ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) upang talakayin ang emergency powers na ipinagkaloob ng Kongreso para sa suspensyon o pagtapyas sa excise tax ng produktong petrolyo.

 

Sa video message, sinabi ni Pangulong Marcos na sa gaganaping pulong, ilalahad ng DBCC ang kanilang pag-aaral sa excise tax.

 

March 25 nang lagdaan ni Marcos ang Republic Act No. 12316, na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang suspendihin ang excise tax sa langis kung kinakailangan.

 

Salig sa batas, ang Pangulo, sa rekomendasyon ng DBCC, at Energy Secretary, maaari nitong suspendihin o bawasan ang excise taxes, kapag ang average price ng Dubai crude oil base sa Mean of Platts Singapore ay umabot o lumagpas sa 80 dollars per barrel sa loob ng isang buwan bago ang paglabas ng suspension o reduction order.

 

Nakasaad sa batas na anumang suspensyon o pagbabawas sa excise tax sa petroleum products ay hindi dapat lalagpas ng tatlong buwan.

About The Author