Tiniyak ng National Security Council (NSC) na walang intensyon ang Pilipinas na makialam sa relasyon ng China sa Taiwan.
Ginawa ni NSC spokesperson Jonathan Malaya ang pagtiyak matapos batikusin ni Chinese Ambassador Huan Xilian ang expanded access ng US sa military bases ng Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Binigyang diin ni Malaya na hindi papayagan ng Pilipinas na gamitin ito ng ibang bansa para makialam sa lumalalang tensyon sa Taiwan.
Aniya, nilinaw na ni National Security Adviser Eduardo Año na ang posisyon ng bansa sa pinaigting na kooperasyon sa US ay para palakasin ang kapabilidad ng Armed Forces of the Philippines upang maprotektahan at maipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas.
Siniguro rin ni Malaya na patuloy na tatalima ang Pilipinas sa One China Policy, pati na sa “Principle of Non-Interference in Approaching Regional Issues” ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).