Tuloy ang Bureau of Customs (BOC) sa kampanya nito laban sa smuggling na siyang pumapatay sa lokal na industriya.
Ito ang tiniyak ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio kasunod nang pagsasampa ng 65 kaso sa Department of Justice sa unang quarter ng 2023.
Ayon kay Rubio, 49 out of 65 smuggling cases na isinampa ay kunektado sa agricultural smuggling o pagpupuslit ng produktong agrikultural.
Una nang sinabi ni Rubio na bukod sa hindi pagbabayad ng buwis, nagdadala rin ng malaking panganib sa kalusugan ang mga ipinupuslit na produktong agrikultural dahil hindi ito nasuri.
Samantala, isang warehouse sa Guiguinto, Bulacan ang sinalakay ng magkasanib na pwersa ng BOC at PNP sa bisa ng Letter of Authority na pinirmahan ni Comm. Rubio.
Sa raid nakita sa bodega ang iba’t ibang uri ng electronic device gaya ng Smart TV, laminating machine, computer units at spare parts na pawang ipinuslit lang sa bansa.
Agad na ikinandado ng raiding team ang bodega habang patuloy ang imbestigasyon kung paano ito naipasok sa bansa, at sino-sino ang mga kasabwat nito sa Aduana. —ulat mula kay Ed Sarto, DZME News