Kinuwestyon ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero ang mga hakbangin ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) na tila hindi nakatutok sa tunay na mandato nito.
Ito ay makaraang ihayag ng PhilRice na nasa P7.2 billion ang halaga ng nasasayang na kanin sa bansa kada taon.
Sinabi ni Escudero na matagal na ang naturang findings at ang tanong ay kung ano ang ginagawa ng ahensya upang masolusyunan ang naaksayang kanin.
Sinabi ni Escudero na ang dapat asahan sa PhilRice ay ang pagbalangkas ng mga solusyon o hakbangin para mabawasan o maminimize ang mga naaaksayang kanin.
Kasabay nito, iginiit ng senador na may nasasayang man o wala na kanin sa bansa, ang katotohanan ay may kakulangan sa suplay ng bigas para sa mga Pilipino.
Kaya nakapagtataka anyang ang pinagtutuunan ng pansin ng PhilRice ay ang konsumo sa bigas sa halip na ang pagtuunan ng pansin ay paano mapapahusay ang rice production para sa sapat na supply nito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News