dzme1530.ph

Cong. Teves, tiniyak ang pagdalo sa senate hearing sa kaso ng pagpatay kay Degamo

Kinumpirma ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald ‘Bato’ dela Rosa na nakipag-ugnayan na sa kanilang kumite ang kampo ni Cong. Arnie Teves kaugnay sa isasagawang pagdinig kaugnay sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Ayon kay dela Rosa, tiniyak ng secretary ni Teves ang virtual na pagdalo ng kongresista sa pagdinig sa April 17.

Wala namang ideya si dela Rosa kung bakit mas nais ni Teves na dumalo sa pagdinig ng Senado sa halip na tugunan ang panawagan ni House Speaker Martin Romualdez na bumalik na sa bansa at kaharapin ang kanyang kaso.

Naniniwala si dela Rosa na nais gamitin ng mambabatas ang hearing bilang oportunidad na ilabas ang kanyang panig sa mga alegasyon laban sa kanya.

Sinabi ni dela Rosa na ‘good sign’ ang kooperasyon ni Teves sa hearing dahil mahalagang makuha ang kanyang panig sa isyu.

Muli namang binigyang-diin ng senador na wala siyang balak na ipacontempt si Teves kahit hindi ito dumalo sa pagdinig bilang pagkilala sa interparliamentary courtesy.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author