dzme1530.ph

Dagdag na 1.5M sa workforce, dapat paghandaan ng labor market ng bansa

Iginiit ni Senate Majority leader Joel Villanueva na dapat paghandaan ng labor market ang 1.5 milyong indibidwal na nakatakdang mapabilang sa mga Pilipinong maghahanap ng trabaho ngayong taon.

Ito’y sa kabila ng pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na hindi nagbago ang unemployment rate nitong Pebrero 2023 simula noong Enero na nananatili sa 4.8% o 2.47 milyong Pilipino.

Ayon kay Villanueva, dahil sa mga bagong papasok sa labor force, tiyak na madadagdagan pa ang bilang ng mga unemployed at underemployed sa bansa lalo na kung walang gagawing aksyon ang pamahalaan para sa pagbuo ng trabaho o job generation at para tugunan ang agwat sa school-to-work transition at job-skills mismatch.

Ipinaliwanag ni Villanueva na predictable ang pagpasok at bilang ng mga bagong manggagawa sa labor force taun-taon kasama na rin ang mga trabahong nakadepende sa pagkakaroon ng mga okasyon o seasonal employment.

Binigyang-diin ng senador na dapat tulungan ng gobyerno ang agri-fishing, manufacturing, at iba pang sektor na makabuo ng mga bago at sustainable jobs, malunasan ang isyu ng school-to-work transition at matiyak ang industry-relevant skills kasama na ang core skills tulad ng critical thinking, creativity, communication at  collaboration. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author