dzme1530.ph

Pagbasura sa pinag-aaralang bagong polisiya ng PPA, irerekomeda ng Senado

Nasa 90% nang kumbinsido si Senate Committee on Public Services chairperson Grace Poe na dapat tuluyan nang ibasura ang plano ng Philippine Ports Authority (PPA) na magpatupad ng bagong polisiya na magpapataas ng shipping at logistics costs sa mga pantalan sa bansa.

Ayon kay Poe, base sa pagdinig sa senado, lumitaw na halos 100% ng mga stakeholders ang tutol sa isinusulong na Trusted Operator Program-Container Registry and Monitoring of Containers (TOP-CRMS) ng PPA.

Naniniwala ang senadora na marami pang dapat ayusin sa polisiya at hindi handa ang gobyernong ipatupad ito.

Hindi rin aniya naging malinaw ang magiging benepisyo nito lalo na kung paano itong makakatulong sa efficiency at cost of shipping.

Una nang kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na mula pa noong enero ay hindi na nila pinatuloy ang pagpapatupad ng TOP-CRMS ng PPA.

Ayon kay Bautista, maging ang National Economic Development Authority (NEDA) at ang Department of Trade and Industry (DTI) ay hindi pabor sa naturang polisiya kaya’t ipinagpaliban ang implementasyon nito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author