dzme1530.ph

Pagtugon sa krisis sa edukasyon, unahin kaysa ROTC

Mas dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagtugon sa learning losses dulot ng COVID-19 pandemic kaysa tutukan ang pagtalakay sa panukalang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa kolehiyo.

Ito ang binigyang-diin ni Sen. Risa Hontiveros sa gitna anya ng krisis pang-ekonomiya at edukasyon na nararanasan ng bansa.

Nilinaw ng mambabatas na hindi siya tutol sa ROTC na hanggang ngayon naman anya ay buhay sa ilalim ng National Service Training Program.

Gayunman, kung gagawin anyang mandatory ang ROTC ay malilimitahan nito ang opsyon ng mga estudyante sa pagpapakita nila ng pagmamahal sa bansa.

Tanong pa ni Hontiveros kung nakukuha ba sa survey ang sentimyento ng mga kabataan na isasailalim sa mandatory ROTC o tanging general popualation lamang ang sinaklaw ng survey.

Binigyang-diin pa ng mambabatas na sa panahon ngayon, higit na kailangan ang mas malawak na programa para sa paglilingkod sa bayan hindi lamang usaping military, law enforcement at disaster response.

Nangako rin si Hontiveros na tulad sa ibang mahahalagang batas, patuloy niyang bubusisiin ang panukalang pagbabalik ng ROTC, paglalatag ng mga isyu kaugnay sa implementasyon at pagtitiyak na may sapat na safeguards at proteksyon ang kabataang dadaan sa programa kontra abuso. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author