![]()
IGINIIT ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang pangangailangan ng paglikha ng dagdag na trabaho sa bansa.
Kasunod ito ng ulat ng Philippine Statistics Authority na nasa 2.25 milyong Pinoy ang nananatiling walang trabaho, sa kabila ng pagbaba ng unemployment rate sa 4.4 percent.
Sinabi ni Go na bagama’t may bahagyang pagbuti sa mga labor figures buwan-buwan, nananatiling malaki ang bilang ng mga Filipinong walang hanapbuhay at patuloy itong hamon na dapat tutukan ng pamahalaan at mga mambabatas.
Iginiit ng senador na hindi dapat nakatuon lamang sapagbasa sa datos kundi sa aktuwal na bilang ng mga pamilyang patuloy na nahihirapan dahil sa kawalan ng matatag na kita. Binanggit din ng senador na mas pinapalala pa ng underemployment ang kalagayan ng maraming Pilipino.
Dahil dito, muling iginiit ni Go ang pangangailangan ng mga konkretong hakbang na tutugon sa tunay na kalagayan ng mga manggagawa at naghahanap ng trabaho.
Muling nanawagan si Go na maipasa na ang Senate Bill No. 175, na naglalayong magpatupad ng ₱100 dagdag sa arawang minimum wage sa buong bansa upang matugunan ang patuloy na epekto ng inflation at pagtaas ng gastusin.
Gayundin ang Senate Bill 174 o Indigent Jobseekers Assistance Bill, na magbibigay ng subsidiya para sa mga gastusin tulad ng pamasahe, dokumento, at iba pang kinakailangan sa pag-aaplay ng trabaho.
