![]()
BINATIKOS ni Senador Erwin Tulfo ang Chinese Embassy sa pagkondena nito sa mga pahayag ng ilang opisyal ng Pilipinas hinggil sa isyu ng West Philippine Sea.
Sinabi ni Tulfo na walang karapatan ang Chinese Embassy na sitahin ang mga opisyal ng Pilipinas sa mga pahayag nila hinggil sa pagkamkam sa ating teritoryo.
Kasunod ito ng pahayag ni Chinese Embassy Deputy Spokesman Guo Wei na hindi lisensya ang freedom of speech para siraan ang iba lalo na ang lider ng ibang bansa.
Sinabi ni Tulfo na kung hindi gusto ng Chinese Embassy officials kung papaano gumagana ang demokrasya sa Pilipinas, maaari silang lumayas anumang oras.
Ipinaalala ng senador na nasa konstitusyon ng Pilipinas ang freedom of speech kaya’t hindi ito maaaring balewalain.
Payo niya sa mga opisyal ng China na nasa bansa na kung gusto nila ng respeto mula sa mga Filipino ay irespeto nila ang konstitusyon, ang mga opisyal ng bansa at ang freedom of speech kasabay ng paalala na ang Pilipinas ay para sa mga Filipino.