Dapat magsilbing garantiya para sa lahat ang pahayag ni Pang. Ferdinand ‘’Bongbong’’ Marcos Jr., na hindi papayagan ng gobyerno na magamit ng Estados Unidos ang karagdagang EDCA sites para sa kanilang military offensive.
Ito ay ayon kay Senador Chiz Escudero kasabay ng pahayag na ang pangulo ang chief architect ng foreign policy ng Pilipinas kaya ang kanyang pahayag ay itinuturing na official policy ng bansa pagdating sa mga karagdagang EDCA sites.
Ipinaliwanag pa ng senador na hindi na kinakailangang mag isyu ang Pangulo ng policy statements para lang pakalmahin o suyuin ang ibang bansa kung hindi para ito sa interes ng sambayanang Pilipino.
Una rito, nagbabala ang tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na maaaring madamay ang Pilipinas sa posibleng conflict sa Taiwan strait kapag ang karagdagang EDCA Sites ay gamitin ng tropa ng Amerika sa paglunsad ng military attack.
Tiniyak naman ng Pangulo na hindi papayagan ng bansa na magamit ng puwersa ng Amerika ang karagdagang EDCA sites para sa kanilang opensiba. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News