dzme1530.ph

Pagkakasangkot ng ilang opisyal ng PNP sa P6.7-B drug bust, pinaiimbestigahan sa Senado

Pinaiimbestigahan ni Senador Ramon ‘’Bong’’ Revilla Jr. ang pagkakasangkot ng ilang high-ranking official ng Philippine National Police sa P6.7 Billion drug bust sa Lungsod ng Maynila.

Sa kanyang Senate Resolution No.564, nais ni Revilla na magsagawa ng investigation in aid of legislation sa pagkakaaresto kay Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr., sa drug buy-bust operation.

Ikinadismaya ng senador ang impormasyon na tinangka pang itago ang pag-aresto kay Mayo.

Ito ay nang ipakita ni DILG Secretary Benhur Abalos ang CCTV footage kung saan makikita ang ilang matataas na opisyal ng PNP sa naganap na buy-bust operation.

Sinabi ni Abalos na sa halip na agad arestuhin si Mayo ay makikita sa footage na ilang mga pulis ang naglilipat ng mga bag at luggages sa iba’t ibang sasakyan.

Lumitaw din sa footage na kinausap pa si Mayo ng ilang matataas na opisyal saka tinanggalan ng posas bago isinakay sa behikulo.

Kasama sa video footage sina Police Lt. General Benjamin Santos Jr., na noon ay deputy chief for Operations; Brig. Gen. Narciso Domingo, director ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG); Col. Julian Olonan, chief ng PDEG- Special Operations Unit (SOU); Capt. Jonathan Sosongco, namuno sa PDEG- SOU Region 4-A arresting team.

Iginiit ng senador na dapat alamin ang pagkakasangkot ng iba pang opisyal sa isyu ng droga. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author