dzme1530.ph

Sen. Imee, kabado sa posibleng banggaan ng Taiwan, US at China

Aminado si Sen. Imee Marcos na kinakabahan na siya hindi lamang sa posibleng banggaan ng Taiwan at China kung hindi maging sa inaasahang pagtulong ng America sa Taiwan.

Ang pahayag ay ginawa ng senadora bilang reaksyon sa apat pang pasilidad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement na kinabibilangan ng dalawa sa Cagayan, isa sa Isabela at isa pa sa Palawan.

Ipinaliwanag ni Marcos na dahil malapit ang Cagayan sa Taiwan ay posibleng madamay sa gulo ang Pilipinas.

Nais ng mambabatas na maging malinaw sa mga probisyon sa EDCA na hindi gagamitin ang mga itatayong pasilidad bilang staging area ng mga posibleng pag-atake ng anumang bansa.

Dapat maging malinaw din anya sa kasunduan na protektado ang Pilipinas mula sa anumang gulo o pag-atake na kasama ang Amerika bukod pa kailangang detalyado ang tulong na makukuha mula sa Estados Unidos.

Iginiit naman ni Senador Risa Hontiveros na hindi dapat maipit ang bansa sa girian ng dalawang higanteng bansa at sa halip dapat tumulong ang Pilipinas sa pagtiyak sa stability ng rehiyon.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

 

About The Author