Inihayag ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na ipinagpatuloy ng Technical Working Group (TWG) ang pagtalakay sa mga panuntunan at regulasyon hinggil sa Online Sexual Abuse Law.
Ayon kay Atty. Charisse Castillo ng IACAT, noong Mar. 21 ay nagsagawa ng national consultation workshop ang TWG patungkol sa Implementing Rules and Regulation (IRR) ng Republic Act No. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.
Ang RA 11930 ay kilala rin bilang OSAEC Law o “Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (ACSEM).
Katuwang ng IACAT sa idinaos na konsultasyon ang National Coordination Center at mga stakeholder sa pagbalangkas ng IRR ng Republic Act 11930.
Layon ng batas na isulong ang kapakanan ng mga kabataan at maprotektahan sila ng estado laban sa lahat ng uri ng karahasan, pang-aabuso, at pagsasamantala gamit ang information and communications technology o social media. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News