dzme1530.ph

Halos P43-B pondo para sa 1-taong health insurance premiums ng senior citizens, inilabas ng DBM

Inilabas ng Dep’t of Budget and Management ang halos P43-B na pondo para sa isang taong health insurance premiums ng senior citizens sa bansa.

Ito ay alinsunod sa Republic Act no.10645 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, kung saan nakasaad na dapat saklawin ng National Health Insurance Program ng PhilHealth ang lahat ng seniors.

Tinatayang mahigit 8.5 million enrolled senior citizens ang makikinabang sa pondo.

Ayon kay Budget sec. Amenah Pangandaman, malinaw ang direktiba ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking naibibigay sa mga nakatatanda ang lahat ng kanilang pangangailangan.

Binigyang-diin pa ni Pangandaman na mahalaga ang tungkulin ng senior citizens sa bansa sa pagpapaganda ng kalidad ng pamumuhay ng kanilang pamilya, at ang kanilang ambag sa komunidad.

Kabuuang P79-B ang inilaan sa 2023 Budget para sa Health Insurance Premiums ng indirect contributors kabilang ang senior citizens. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author