Inaresto ng Manila Police Disitrict (MPD) ang ilang miyembro ng mga militanteng grupo na nagkasa ng lightning rally sa harap ng US Embassy Roxas Blvd. sa Maynila.
Nasa anim na katao rin ang hinuli matapos sabuyan ng Grupo ng ANAKBAYAN ng pintura ang logo ng US Embassy kung saan ikinasa nila ang protesta bilang pagtutol na rin sa pinakamalaking Balikatan Joint Military Exercises sa pagitan ng US at ng Pilipinas ngayong araw.
Ayon kay MPD Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon, pinapayagan naman nila ang mga rally upang ilabas ang mga hinaing o panawagan ng sinumang grupo pero hindi naman sila papayag sa mga maling gawain ng mga ito.
Aniya, ang ginawang hakbang ng grupo ng ANAKBAYAN ay isang uri ng pagpapahiya sa mga otoridad lalo na gobyerno ng Pilipinas.
Sinabi ni Dizon na tila nais ng mga nagkasa ng kilos-protesta na sirain ang magandang relasyon ng US at ng ating bansa kaya napilitan silang arestuhin ang ilan sa mga ito.
Kaugnay niyan, mas lalong naghigpit sa seguridad ang MPD sa paligid ng US Embassy lalo na’t inaasahan nila na may ilang grupo pa ang tutungo dito para magsagawa ng kilos-protesta. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News