Tiniyak ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald Bato dela Rosa na hindi magagamit ng sinumang may motibong pulitikal ang pagsisiyasat nila sa pagkakapaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sinabi ni dela Rosa na hindi niya hahayaang maging “Kangaroo Court” ang ikakasa nilang pagdinig.
Ang pahayag ay bilang pangako kay Cong. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na magiging patas ang imbestigasyon at walang partial judgement o excessive press coverage.
Una nang sinabi ni dela Rosa na posibleng sa susunod na linggo ay sisimulan na ng Kumite ang pagdinig sa kaso ng pamamaslang kay Degamo kung saan isa sa mga itinuturong mastermind si Teves.
Nilinaw ng senador na iimbitahan nila sa pagdinig si Teves upang marinig ang kanyang panig tungkol sa mga alegasyon laban sa kanya.
Iminungkahi pa ni dela Rosa na maaaring dumalo sa senate hearing si Teves sa pamamagitan ng video conferencing.
Gayunpaman, sinabi ni dela Rosa na hindi maaaring ang abogado ni Teves ang dumalo bilang kanyang kinatawan sa senate hearing.
Naniniwala naman ang senador na hindi na kailangan ipa-contempt si Teves sakaling hindi siya dumalo sa pagdinig ng Senado. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News