Pinatitiyak ni Sen. Alan Peter Cayetano sa gobyerno ang mahigpit na pagpapatupad ng safety standards sa mga pampublikong sasakyan upang maiwasan ang anumang trahedya ngayong Semana Santa.
Sinabi ni Cayetano na hindi na dapat maulit ang pagkasunog ng isang barko sa Basilan kung saan marami ang nasawi.
Ipinaalala ng Senador na tungkulin ng gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng bawat isa kaya dapat tiyaking naipatutupad ang lahat ng patakaran sa transportasyon.
Partikular anyang dapat ipagbawal ang substandard na Public Utility Vehicles (PUVs) at transport units mula sa mga kalsada hanggang sa karagatan.
Kapag aniya na-inspeksyon ang bus, kotse, truck at iba pang sasakyan at makitang substandard at hindi na talaga pwede sa kalye ay huwag nang pilitin o payagan itong makabyahe.
Sinabi ni Cayetano na panahon na para matuto ang gobyerno mula sa mga trahedya at aksidenteng may kinalaman sa transportasyon at laging isaisip na hindi matutumbasan ng pera o kikitain sa transport industry ang mga buhay na maaaring mawala dahil sa mga aksidente.