Tiniyak ng Philippine Veterans Affairs Office na natutugunan ng gobyerno ang pangangailangang medikal ng war veterans sa bansa, sa harap ng nalalapit na Araw ng Kagitingan.
Sa laging handa public briefing, inihayag ni PVAO administrator Reynaldo Mapagu na patuloy ang pagbibigay sa veterans ng healthcare benefits, kabilang ang libreng pagpapa-ospital sa ilalim ng medical and health care program.
Itinatayo rin ang 24 na veteran wards sa iba’t ibang panig ng bansa, habang hindi pa naisasakatuparan ang pangako ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagtatatag ng veterans hospital sa Visayas at Mindanao.
Samantala, naka-hilera na ang iba’t ibang aktibidad para sa veteran’s week na magkakaroon ng temang “kagitingan ng mga beterano, pundasyon ng nagkakaisang Pilipino.”
Bukas ay idaraos ang sunrise ceremony na susundan ng wreath laying ceremony sa libingan ng mga bayani sa Taguig City.
Sa Abril a-10 naman ay magkakaroon ng programa sa dambana ng kagitingan sa Bataan. — sa panulat ni Harley Valbuena, DZME News