Kinumpirma ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs chairman Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na imbitado sa kanilang pagdinig sa kaso ng karumal-dumal na pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo si suspended Negros Oriental Cong. Arnolfo Teves Jr.
Sinabi ni Dela Rosa na papayagan nila ang pagdalo ni Teves nang pisikal o kahit virtual lamang.
Ipinaliwanag ng senador na imbitado sa pagdinig si Teves hindi bilang resource person kundi bilang isang miyembro ng Kamara na nasasangkot sa isang isyu.
Ginawa na rin aniya nila ito sa pagdinig sa E-Sabong kung saan inimbitahan din ang kongresista at dumalo ito para ihayag ang kanyang panig.
Gayunman, kung sa pagkakataong ito anya ay igiit ng kongresista ang inter-parliamentary courtesy at hindi sisipot sa imbestigasyon ay kanila itong igagalang.
Imbitado rin sa pagsisiyasat ng Senado sa April 17 ang kapatid ng suspended Congressman na si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves at ang mga naarestong suspek sa kaso. —sa ulat ni Dang Garcia