Nagbabala si Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na magiging malaki ang epekto sa bansa ng planong pagbabawas ng produksyon ng langis ng Saudi Arabia at ng iba pang miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC).
Sa anunsyo ng oil producing countries, babawasan nila ang kanilang produksyon ng 1.16 million barrels kada araw simula sa buwan ng Mayo.
Sinabi ni Escudero na magdudulot ito ng pagtaas ng presyo ng langis at ng mga bilihin o ng inflation rate sa kabuuan.
Dahil dito, hinimok ng senador ang gobyerno na paghandaan ang ganitong sitwasyon
Hinikayat nito ang Deparment of Finance, Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Energy, Department of Agriculture, Department of Trade & Industry at Department of Labor and Employment na magpulong at bumalangkas ng corrective plans para maibsan ang epekto sa pagbabawas ng produksyon ng langis.
Sa nakalipas na buwan, batay sa datos, bumaba na sa $70 ang presyo ng bawat bariles ng langis na pinakamababa sa nakalipas na 15 buwan.
Subalit dahil sa gagawing pagbabawas ng oil production, maaari itong tumaas o’ madagdagan ng $10 per barrel.