dzme1530.ph

Sen. Tolentino, may pangamba sa bagong exploratory talks ng gobyerno sa China

Hindi tiwala si Senador Francis Tolentino sa pagsusulong ng panibagong exploratory talks sa China sa gitna ng serye ng bullying incidents ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia laban sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS).

Pangamba ng senador na lalong dumami ang mga barko ng China sa West Philippine sea dahil igigiit na may karapatan na silang mag-drill at magsagawa ng scientific marine research.

Kaya naman, hinimok ni Tolentino ang Department of Foreign Affairs (DFA) na pag-aralang mabuti ang planong pagsasagawa ng bagong exploratory talks sa China.

Sinabi ni Tolentino na dapat ikunsidera ng DFA ang 2016 Hague Arbitral ruling gayundin ang Supreme Court decision na nagdeklarang hindi balido at unconstitutional ang 2005 Tripartite Agreement for Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) bago muling pumasok sa partnership.

Hindi kinilala sa 2016 Arbitral Ruling ang ‘nine-dash line’ claim ng China na ginagamit na batayan sa militaristic expansion sa South China Sea region, kabilang ang West Philippine Sea habang ang desisyon ng Supreme Court noong Enero ay nagbasura sa JMSU sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas, China at Vietnam.

Idinagdag pa ni Tolentino na ang bagong kasunduan ng Pilipinas at China ay dapat nakabatay sa probisyon ng 1987 Constitution kaugnay sa pag-eexplore sa mineral seabed resources sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. — sa panulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author