Hinamon ni Senador Sherwin Gatchalian ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na magsampa ng mga kaso laban sa mga tiwaling opisyal na sangkot sa ma-anomalyang pagpili ng third-party auditor sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sinabi ni Gatchalian na dapat panagutin ang mga opisyal at empleyado ng PAGCOR na naging pabaya o nakipagsabwatan sa Global ComRCI na dahilan kung bakit sa kanila napunta ang kontrata kahit na malinaw na hindi sila kwalipikado.
Ito ay kasunod ng pag-terminate ng PAGCOR sa kontrata ng Global ComRCI dahil sa paglabag sa batas at hindi pagsunod sa kanilang obligasyon.
Sa imbestigasyon sa Senado, naisiwalat ang maraming iregularidad sa pagpili ng PAGCOR sa Global ComRCI upang magsagawa ng third-party audit sa kita ng mga kumpanya ng POGO.
Kabilang sa mga iregularidad ang pagsusumite ng pinekeng bank guarantee mula sa isang bangko na hindi awtorisado ng Bangko Sentral na magbigay ng mga serbisyong pinansyal sa bansa.
Kaya naman giit ng senador na dapat makulong ang mga opisyal ng gobyerno at tauhan ng pribadong kumpanya na sangkot sa kwestyonableng kontrata. — sa panulat ni Dang Garcia, DZME News