Nasa kamay ng Pangulo kung ibabalik sa dating petsa ang panahon ng pasukan.
Ito, ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva ay sa gitna ng ilang panukala na ibalik na Hunyo ang pagsisimula ng pasukan upang maibalik na sa bakasyon ang panahon ng tag-init.
Kasunod ito ng insidente ng pagkaka-ospital ng mahigit 100 estudyante matapos ang fire drill sa isang paaralan sa Laguna.
Sinabi ni Villanueva, ikinukunsidera rin noon na sa panahon ng tag-init nararanasan ang kakapusan ng suplay sa tubig at enerhiya.
Ipinaliwanag ni Villanueva na nakasaad sa Republic Act 11480 na ang pagsisimula ng pasukan ay dapat gawin sa unang Lunes ng Hunyo hanggang huling araw ng Agosto.
Ang anumang magiging desisyon anya ng Pangulo na batay naman sa rekomendasyon ng kalihim ng Department of Education ay kailangang nakabase sa pag-aaral at good science na kanila namang susuportahan.