Naghain si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. ng isa pang resolusyon na naglalayong kilalanin ang kontribusyon ni Nora Aunor sa Philippine Cinema at sa kultura ng bansa.
Inihain ni Revilla ang Senate Resolution 1339 na nagpapahayag din ng simpatya at pakikiramay sa paglisan ng legendary actress.
Sinabi ni Revilla na labis siyang nagdadalamhati sa pagpanaw ng isang tunay na alamat ng sining at kulturang Pilipino
Si Ate Guy anya ay isang inspirasyon, hindi lamang sa mga kapwa niya artista kundi sa bawat Pilipinong nangangarap at nagsusumikap.
Isinalaysay ng senador na sa loob ng maraming dekada, siya ang naging tinig, mukha, at damdamin ng sambayanang Pilipino.
Unang naghain ng resolusyon si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na naglalayong parangalan ng Senado ang Superstar dahil sa mga naging kontribusyon nito sa larangan ng musika at pelikulang Pilipino.