dzme1530.ph

PBBM, inatasan ang CHED na tugunan ang shortage sa nurses sa bansa

Pinakikilos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Commission on Higher Education kaugnay ng shortage o kakapusan sa nurses bunga ng migration o pangingibang-bansa.

Sa meeting sa malakanyang kasama ang healthcare sector group ng Private Sector Advisory Council, inihayag ng Pangulo na ang Filipino nurses ang pinaka-magagaling, at buong mundo ang kaagaw ng bansa sa kanilang serbisyo.

Sinabi ni Marcos na lahat ng kanyang nakakausap na Pangulo o Prime Ministers ng ibang bansa ay humihingi ng nurses sa Pilipinas, kaya’t kailangan umano nating maging matalino sa usapin ng healthcare manpower.

Tiniyak naman ni CHED Chairman Prospero de Vera III na tinutugunan na ang shortage sa nurses sa pamamagitan ng retooling sa mga hindi nakapasa sa board exam, pag-adopt ng nursing curriculum na may exit credentials, pag-redirect sa non-practicing nurses, at pagkakaroon ng exchange programs sa ibang bansa.

Sinabi ni de Vera na sa ilalim ng nursing curriculum na may exit credentials, ang mga mag-aaral ay may ilang options tulad ng pag-exit sa Level I o II, pagkuha ng certificate o diploma sa nursing, o pag-kumpleto sa 4-year nursing program para maging registered nurse.

About The Author