dzme1530.ph

Mga ahensya ng gobyerno, hinimok na tiyaking magsisilbi sa bansa ang scholars ng health courses

Pinatitiyak ni Senador Pia Cayetano sa mga ahensya ng gobyerno na mananatili sa bansa para magserbisyo ang mga makikinabang sa scholarships para sa mga health courses tulad ng mga doktor at nurses.

Ito ay makaraang lumabas sa datos na may sapat na lisensyadong mga healthcare workers tulad ng nurses ang bansa subalit nasa kalahati lamang ang practicing dahil marami ang nagsisilbi sa ibayong dagat.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Sustainable Development Goals, Innovation and Futures Thinking na pinamumunuan ni Cayetano, iginiit ng senadora na hindi makatarungan para sa mga Pilipino na matapos pag-aralin ang mga scholar ay hindi makapagsisilbi sa bansa at mas nanaisin magtrabaho sa ibang bansa.

Nilinaw naman ng mambabatas na hindi niya pinipigilan ang mga graduate ng health courses na mangibang bansa dahil ito ay kasama sa kanilang mga karapatan.

Kaya naman, para sa senadora, dapat bumalangkas ang mga ahensya ng gobyerno ng mga paraan upang mapaganda ang working environment at maging competitive ang sweldo ng mga doktor, nurse, midwife, physical therapists at maging occupational therapists sa bansa.

Iminungkahi ng senadora na magsagawa ng interviews ang mga ahensya ng gobyerno na responsable sa pamamahagi ng scholarships upang matukoy ang mga estudyante na handang maglingkod sa bansa at bigyan sila ng priority sa libreng pag-aaral.

Sa datos ng Department of Health, aabot sa P3.5B ang gastusin ng mga State Universities and Colleges para sa training, reintegration, salaries and benefits ng mga mag-aaral bilang doktor, nurse, midwife, med tech, at iba pang healthcare workers mula 2020 hanggang 2024.

About The Author