Kinondena ni House Speaker Martin Romualdez ang “fake news” ukol sa diumano’y pagpanaw ni Pope Francis.
Tinawag ng House leader na ‘disturbing display of reckless information” ang kumalat sa social media, na dapat pag-ingatan ng publiko lalo na kung ito ay nire-repost.
Lumikha ng malawakang reaksyon ang viral post na nagsasabing binawian na ng buhay ang 88-year old head ng Roman Catholic, na naka-confined sa Agostino Gemelli University Hospital sa Roma.
Agad naman naglabas ng mensahe ang Vatican at sinabing “hoax” o panloloko ang viral post, subalit kumalat na ito at lumikha na ng iba’t ibang reaksyon.
Pakiusap ni Romualdez, maging maingat at masusing berepikahin ang mga nakikitang impormasyon bago ito i-share.
Hindi aniya dapat ginagamit ang social media para manloko, dahil ang mga maling impormasyon ay nakakasira sa tiwala, lumilikha ng pagkalito at distress, lalo na kung ang pinatutungkulan ay isang lider na labis ang respeto at pagmamahal gaya ng Pope Francis.
Umapila na rin si Romualdez sa mga Katoliko na ipagdasal ang Santo Papa upang tuluyan na itong gumaling sa kanyang karamdaman.