Walang puwang sa sibilisadong lipunan ang karumal-dumal na pagpatay lalo na sa mga indibidwal na humuhubog ng kinabukasan ng kabataan.
Ito ang binigyang-diin ni Sen. Lito Lapid bilang pagkondena sa karumal-dumal na pagpatay sa Assistant Schools Division Superintendent (ASDS) ng Ministry of Basic Higher Technical Education sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na si Sonatria Dandun Gaspar sa Jolo, Sulu.
Iginiit ni Lapid na dapat mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima kasabay ng pahayag na kung nais umunlad ang BARMM ay dapat mapigilan ang mga ganitong uri karahasan.
Nanawagan pa ang senador sa PNP at NBI na magtulungan sa pagiimbestiga sa krimen at papanagutin ang sinumang nagpapatay sa biktima.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikidalamhati ang mambabatas sa pamilya ng nasabing school officer sa Sulu.