Pabor si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa nakatakdang pagdedeklara ng Department of Agriculture ng national food security emergency.
Sinabi ni Escudero na kailangang gawin ng gobyerno ang lahat upang maibaba na ang presyo ng bigas dahil ito ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation.
Iginiit ng senate leader na kung sakaling mapatunayang tama ang inihayag na pangamba ng Federation of Free Farmers sa idedeklarang national food security emergency, tiyak na agad na aaksyon sina Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. upang itama at tugunan ang anumang masamang epekto na maidudulot ng kanilang hakbang.
Una rito, nanawagan ang Federation of Free Farmers sa DA na masusi munang pag aralan ang pagdedeklara ng national food security emergency dahil pinangangambahang makaapekto sa kita ng local growers ang pagbebenta ng mga stock ng bigas ng NFA sa halaga na mas mababa sa market prices.
Alinsunod sa idedeklarang national food security emergency, minamandato ang NFA na ilabas ang stocks nito ng bigas na nasa 300,000 metriko tonelada o anim na milyong sako ng bigas at ibebenta sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan at Kadiwa stores sa abot-kayong presyo.