dzme1530.ph

Grupo ng mga negosyante, umapela sa DTI na pagbigyan na ang hirit nilang taas-presyo sa sardinas at tinapay

Nanawagan ang food manufacturers at bakers sa Department of Trade and Industry (DTI) na aprubahan na ang matagal nang inihihirit na dagdag-presyo sa sardinas at tinapay, na itinuturing na pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Isinusulong ng Sardines Association of the Philippines ang hanggang ₱3.00 taas-presyo sa sardinas na nasa lata, na nasa dalawang taon na nilang inihihirit sa DTI.

Ayon sa grupo, nadagdagan na ang minimum na sweldo at taas-baba ang presyo ng gasolina, habang patuloy sa pagtaas ang presyo ng isda.

Samantala, humihirit din ang PhilBaking ng ₱5.00 increase sa presyo ng Pinoy Tasty Bread at Pandesal, matapos ang mahigit isa’t kalahating taon na napako ang kanilang presyo.

Ikinatwiran naman ng grupo ng bakers na nahihirapan na silang i-subsidize ang gastos para sa murang tinapay. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author