Isang panukala na magbibigay proteksyon sa mga responsableng driver ang isinulong ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist Rep. Margarita “Mig” Nograles.
Ang House Bill (HB) No. 10679 o Defensive Driving Act of 2024 o Anti-Kamote Driving Law ay nilalayong maprotektahan ang matitinong tsuper na nakukulong dahil nadadamay lang sa aksidente na ang may kagagawan ay mga reckless driver.
Paliwanag ni Nograles, marami ang kung tinagurian ay “Kamote driver” sa mga kalsada ng bansa, at nagdadala ito ng panganib sa mga motorista.
Salig sa Anti-Kamote Driver Law, sinomang tsuper na masasangkot sa aksidente ay hindi pwedeng ikulong kapag agad silang nakapagpakita ng ebidensya na siya ay nasa defensive driving ng maganap ang aksidente.
Ilan sa ebidensya ay dashcam footage, CCTV recording o ano pa mang video o larawan na magpapatunay sa pagsunod nito sa batas trapiko bago at sa oras ng aksidente.
Inaamyendahan din nito ang Article 124 ng Revised Penal Code.
Para kay Nograles, susi ang Anti-Kamote Driver Law sa pagsusulong ng “responsible driving at pagkakamit ng hustisya sa lahat,” dahil napakahirap naman na ikaw na nga ang binangga, tapos ikaw pa ang makukulong.”