Tinawag na “anti-poor at militaristic” ng ACT Teachers Partylist ang 2025 proposed national budget na nagkakahala ng ₱6.352-T.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, kitang kita ang discrepancies sa budget allocations partikular sa disproportionate funding sa defense at infrastructure kumpara sa social services at education.
Aniya, bagaman at tumaas sa 15.4% ang laang budget sa edukasyon, mababa pa rin ito sa inirerekomenda ng UNESCO na dapat 20% ng national budget o 6% ng GDP ay sa edukasyon.
Sabi pa ni Castro, ang ₱977.6-B education budget ay kakarampot lang kung ihahambing sa malaking suliranin ng sektor ng edukasyon na mas lumala at nauwi sa krisis dahil sa nagdaang pandemic.
Pagkumpara pa ni Castro, ang Defense department ay binigyan ng ₱258.2-B, at karagdagang ₱50-B para sa AFP modernization program, ₱5.9-B intelligence at confidential funds, at sa red-tagging office na NTF-ELCAC o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na may ₱7.8-B.
Ang “Build Better More” infrastructure program na tanging mayayamang negosyante at dayuhang investors lang aniya ang makikinabang ay pinaglaanan ng ₱900-B.