Inihayag ng Korte Suprema na ligal ang ibinabang kautusan ng DOTr at LTFRB na itaas ang multa sa mga drayber at operator ng mga “colorum” na sasakyan.
Ito ay makaraang pagtibayin ng korte ang Department Order no. 2008-39 at ang naamyendahang Joint Administrative Order no. 2014-01 na inilabas ng DOTr, LTO at LTFRB.
Ayon sa SC, mas lalong dumarami ang bilang ng mga naitatalang aksidente sa kalsada dahil sa mga kolorum na sasakyan.
Binigyan diin din nito ang papel ng gobyerno para tiyaking ligtas ang mga mananakay.
Nakaloob sa DO no. 2008-39, ipinapataw ang parusang P5,000 sa pagmamaneho ng nakainom ng alak, P10,000 pag under the influence of drugs, P1,500 sa pagmamaneho ng walang lisensya at P400 naman sa mga drayber na paso na ang lisensya.
Samantala, pagmumultahin naman ng P50,000 ang mga public utility jeepney na bumabiyahe nang walang prangkisa, P6,000 sa mga motorsiklo, P120,000 sa sasakyan, P200,000 sa vans at P1-M sa mga bus.